Sunday, September 18, 2022

Adultery at Concubinage: Ano ang pagkakaiba?

 



Nitong nakaraang mga araw ay naging viral ang isang retiradong lalaking pulis na naaktuhan ng kanyang maybahay na may kasiping na ibang babae sa isang motel sa Davao City nitong Setyembre 7, 2022. Ayon sa mga kapulisan ay sinampahan ng CONCUBINAGE ang nasabing lalaki na nahuli.


ANO NGA BA ANG CONCUBINAGE? PAREHO BA ITO SA KASONG ADULTERY?

Ayon sa ating Batas, ang elemento para masabing may kaso ng CONCUBINAGE ang isang tao ay ang mga sumusunod:

1. Ang isang lalaki ay Kasal;

2. Ginawa ng lalaki ang isa sa mga sumusunod:
            a. Nagbahay ng Kabit sa kanilang bahay mag-asawa
                (Keeping a mistress in the conjugal dwelling);

            b. ang pagtatalik na nakaka iskandalo kasama ang isang babae na di niya asawa
                (Having sexual intercourse under scandalous circumstance with a woman not his wife);
            
            c. Ang pagtira kasama ng kabit sa kahit saang lugar
                (Cohabiting with her in any other place)

3. Ang babae naman ay dapat ay may kaalaman na ang lalaking kanyang kasama ay isa nang may-asawa. 
(Art. 334 ng Revised Penal Code)


Ang mga taong mananagot sa batas kung ang krimen na ito ay nagawa ay ang mga sumusunod:

1. Ang lalaking kasal; at

2. ang babae na alam na ang lalaking kinakasama ay isa nang kasal.



Ang  sinasabing Conjugal Dwelling dito ay ang bahay ng mag-asawa, kahit na ang asawang babae ay pansamantalang wala dahil sa anumang dahilan. 

Ang Scandalous Circumstances naman dito ay ang maaring sa salita o sa gawa na nakaka bastos ng pampublikong konsensya o nakaka sira ng damdamin ng isang tao, pati ang kanyang paniniwalang ispiritwal na pagkasira. 

Ang isang lalaking kasal ay hindi mananagot sa salang Concubinage kung ito ay isang sekswal na relasyon lamang sa babaeng hindi nya asawa. Ang pagtatalik dapat ay maaktuhan sa tinatawag na Scandalous Circumstances katulad ng naunang nasaad na pagpapaliwanag. 

Sa sitwasyon na nangyari sa Retiradong Pulis na naaktuhan kasama ang kanyang kabit sa Davao City, ito ay nasa sitwasyong "Scandalous Circumstances" dahil sila ay nahuli  ng asawa ng lalaki na magkatalik, na nagresulta sa pagkasira ng damdamin at pagkabatos ng pampublikong konsensya, hindi lang ng lehitimong asawa ng pulis, pati na rin ng pamilya nito. 


ANG ADULTERY

Kung ipagkukumpara ang kasong Concubinage sa Adultery, ang Adultery ay mas pinapataw sa mga babaeng nahuli kasama ng kanilang kabit. Ang Elemento ng kasong Adultery ay ang sumusunod:

1. Ang babae ay kasal;

2. Ang babaeng kasal ay nakipagtalik sa lalaking di niya asawa; at

3. Ang lalaking katalik ay may kaalaman na ang babae ay kasal at may asawa.

(Art. 333 Revised Penal Code)

Ang mga taong mananagot sa batas kung ang krimen ng Adultery nagawa ay ang mga sumusunod:

1. Ang babaeng may asawa na nakipagtalik sa lalaking di niya asawa; at

2. ang lalaking katalik ng babae, na alam na ang babae ay may asawa at kasal. 


Kailangan na ang kasal ay legal sa oras na ang kaso ay isinampa. Ngunit ang krimeng Adultery ay nagawa pa rin at maisasampa kahit na ang kasal ay mapatunayang hindi legal pagkatapos maganap ang krimen. 


Tandaan natin na ang bawat pagtatalik ng babaeng kasal sa lalaking di niya asawa ay maituturing na isang kaso. Halimbawa na nagtalik ang babae at lalaki ng tatlong beses, ang kaso na ipapataw ay ang tinatawag na "3 Counts of Adultery".


Kung ang kabit ng babae ay namatay, ang babae ay mananagot pa rin. Kung ang lalaking asawa ng babae ang namatay, ang kaso ay magpapatuloy pa rin upang ma-protektahan ang reputasyon ng asawang lalaking namatay. 














No comments:

Post a Comment