Friday, August 23, 2024

Bakit kailangan ang bawat Pilipino ay maging maalam sa batas?


Ang ating Kongreso ay siyang binigyan kapangyarihan ng ating 1987 Constitution upang mag panukala ng mga batas na siya namang pipirmahan ng ating Pangulo upang maging lehitimong batas ito ng ating bansa.

 

Ngunit, ano nga ba ang importansya nito sa ating mga Pilipino?

 

Narito ang tatlong rason kung bakit dapat ang bawat Pilipino ay maging maalam sa batas.

 

1.  Ang bawat Pilipino ay dapat nakakaalam ng batas upang mas lalo nilang maitindihan at ma-praktis ang kanilang mga karapatan na ibinigay ng ating Saligang Batas.

 

Napapaloob sa ating Saligang Batas ang mga karapatan ng bawat Pilipino partikular sa Article III o ang ating “Bill of Rights” na tinatawag. Mahalagang maunawaan ng Pilipino ang mga karapatan na nakalathala dito upang maiwasan ang pang aabuso ng awtoridad o sinoman sa kanilang karapatan lalong lalo na ang tinatawag na DUE PROCESS at FREEDOM ng bawat isa katulad ng Freedom of Speech (Malayang Pagsasalita), Freedom to Travel (Karapatang Makapaglakbay), at iba pa.

 

Kung may alam ang bawat Pilipino sa kanilang karapatan ay mataas ang porsyento na walang naabuso at alam ng bawat isa ang mga tama at mali na dapat nilang gawin, na sa huli ay magiging susi para magkaroon ng patas na pangil ang batas sa bawat isa.

 

2.    Ignorance of the Law excuses no one.

 

Ito ang popular na linya na ating laging naririnig. Ang hindi mo pagkakaalam ng isang batas ay hindi dahilan upang ikaw ay di maparusahan neto.

 

Ang isang batas, pag ito ay na aprubahan ng ating Pangulo ay dumadaan ito sa prosesong "PUBLISHING" kung saan ang batas ay inilalathala sa Newspaper of General Circulation (Pahayagan at hindi tabloid ahhh) at Official Gazette.

 

Kung ito ay nailathala na, ang batas ay magkakabisa usually after 15 days pagkatapos itong mailathala. Sa pagkakalathala ng batas ay nagkakaroon tayo na tinatawag na CONSTRUCTIVE NOTICE, meaning, kahit hindi nabasa ng isang Pilipino ang pagkakalathala, dahil nga ito ay nalathala sa Newspaper of General Circulation, nagkakaroon ng presumpsyon na ito ay nabasa ng buong bayan at sinasabing nagkakaroon na tinatawag na PRESUMPTION OF KNOWLEDGE OF THE LAW ang bawat Pilipino.

 

Kaya, kung ang batas ay nailathala, at hindi tayo aware, hindi nating magagawang excuse na sabihin na hindi natin alam na may ganyang batas na umiiral dahil sabi nga natin, IGNORANCE OF THE LAW EXCUSES NO ONE.

 

 

3.  Ang pagiging maalam sa batas ay makakatulong upang mas maunawaan natin paano gumagana ang mga bagay-bagay sa ating komunidad, pulitika, at pati na rin sa ating personal na buhay lalo na sa ating mga ari-arian at mga personal na relasyon sa ating kamag-anak at kapwa tao.

 

Ang mga batas na umiiral sa ating bansa ay nakakaapekto hindi lamang sa personal na ari-arian ng isang tao kundi pati sa relasyon nya sa kanyang mga kamag-anak o sa ibang tao. Kung alam natin ang ating batas, mas mauunawaan natin at irerespeto ang mga karapatan ng ibang tao. Gayundin, mas mauunawaan natin ang mga ginagawa ng ating mga leader o politico at base sa kanilang ginagawa, magkakaroon tayo ng kaalaman kung tama ba o hindi ang kanilang hakbang at kung hindi at pwede nating hindi sila iboto sa susunod na halalan.

 

Ang bawat batas ng ating bansa ay makakaapekto sa bawat Pilipino at sa kanilang buhay buhay. Mahalaga na ito ay malaman at pag aralan upang mas mapangalagaan natin ang ating karapatan at mapaunlad ang ating bayan. Ang mga batas na ito ay ginawa upang ang bawat Pilipino, mahirap man o mayaman, ay matulungan at mas mapaganda at maitaas ang antas ng kanilang buhay.


Kung nais ninyong matuto ng batas, marami nang tiktok at youtube channel ang nakalaan dito. Hanapin lang ninyo. Mas mainam na sa mga legit Lawyer content creator tayo manuod kaysa sa mga channel na nagpapangap lamang na may alam sa usaping legal.

 

Sana ay may natutunan kayo sa sulatin na ito.

xxx

Kung may katanungan kayo, maaring pagusapan natin yan bilang topic at sagutin natin para sa kaalaman ng lahat. maaring mag email sa:

 

laymanslawph@gmail.com

 

o I-like at Follow ang ating FB Page na Layman's Law PH:

 

www.facebook.com/profile.php?id=100085998849934

 

Maari din magbasa ng ating mga artikulo upang matutuo sa:

 

laymanslawph.blogspot.com

 

Disclaimer lang po, ang mga binahagi ko pong kaalaman ay para po lamang sa pang edukasyunal na layunin upang matutu po ang bawat isa patungkol sa batas, sa ordinary at madaling maunawaan na paraan. Wala pong Lawyer-Client Relation po na nabubuo sa paguusap na ito. Inimumungkahi ng may-akda na lumapit personally sa isang Private Law Practitioner o PAO Lawyer para sa mas masinsinang paguusap. Maraming salamat po. 😊

 

No comments:

Post a Comment